Saturday, March 17, 2012

Pinoy Junkies!!



Silipin ang bagong webpage ni EMPinoy!
www.pinoyjunkies.blogspot.com!



Thursday, March 15, 2012

Pagsusuri: May Buhay Sa Looban | EMPinoy

 May Buhay sa Looban | Isang Maikling Pagsusuri
pagsusuri ni: EMPinoy



UNANG MAIKLING KWENTO
I. PAMAGAT: May Buhay sa Looban
II. AWTOR: Pedro S. Dandan
III. TAUHAN
TAUHAN
URI
PALIWANAG
PAGLALARAWAN
PATUNAY
DIMENSYON
PATUNAY
Popoy
Bilog
Hindi niya akalaing ang ‘hari’ na tulad niya ay iiyak at malulungkot din pala.
 Tuwiran
·      Hinipo ni Aryong ang isang bisig ni Popoy. “Ang laki ng masel mo. Sige na magpasikat ka na!”
·      “...naku, maton itong si Popoy!”
·      Kung siya ang walang gulat na “hari” ng mga bata sa looban, taglayin kaya niya ang kanyang kapangyarihan hanggang sa Dampalit?
Pisikal
·      Pinagalaw ni Popoy ang kalamnan ng kanyang bisig. Si Popoy ay malaki sa karaniwang bata sa kanyang taglay na gulang. Ang katauhan niya ay matipuno, sapagkat batak sa iba’t ibang uri ng laro at palakasan.
·      “May daga sa loob,” ang bulalas ni Lucio.

Lupo
Bilog
Siya ang batang ayaw gayahin ni Popoy ‘pagkat matapos nitong lumipat ng ‘Bagong Pulo’ ay nagbago na ito sa pakikitungo niya sa dating mga kaibigan.
Tuwiran
Hindi na ang dating Lupo na kinikilalang pangalawa niya.
Sikolohikal
Si Lupo ang masugid na mangangantiyaw upang matalo sila.
Tatay ni Popoy
Lapad
Ang tatay ni Popoy, magmula pa noo’y tila mainitin ang ulo at padalos-dalos sa kanyang mga desisyon
·      Di-tuwiran





·      Tuwiran
·      “Paano ka ba namang makakasulat nito... naku! Walanghiyang pison iyan, a! Talagang kailangang lumipat na tayo sa Dampalit, Tinang!”

·      Kung magsalita ay malakas na tila nagtatalumpati o nakikipagtalo.
Sikolohikal
·      Gayon yatang talaga ang manunulat, mahirap maunawaan

·      “Gunggong! Hindi mo kasi binabasa ang aking mga nobela, tula at kwento... kay laki-laki mo na ay hindi ka pa kasi mag-aral bumasa ng Tagalog,” ang bulalas ng kanyang ama








IV. TAGPUAN
SAAN
URI NG PAGLALARAWAN
PATUNAY
Sa looban
Tiyak
·      Ang looban ay may bahagyang ganda ng isang maliit na nayon sa lalawigan at sagana sa kapangitan ng isang “patay na pook” sa lungsod.

·      Ang bungad ng looban ay humahangga sa gilid ng isang maluwang na daan. Doon ay may dalawang bahay na nakatirik sa magkabilang panig. Ang nasa gawing timog ay luma na, yari sa kahoy at pawid at may patahian sa silong. Ang nasa dakong hilaga ay silungan ng kabayo ni Mang Pilo na kinakalawang ang bubong na yero. Sa likuran ay ang kubo ni Apo na naliligid ng mga punong saging. Bagong tambak iyon ng pinaglagarian. Doon malimit maglaro si Popoy at ang kanyang mga kababata.

·      Sa may silangan ng nakatirik ang bahay na pawid nina Popoy. Ang bubong at dingding ay sunog sa sikat ng araw. Ang alulod na kawayan sa batalan ay nakalawit sa malaking kanal. Iyon ang ginagawa nilsng paliguan kung tag-ulan.

·      Sa kalagitnaan ng looban ay may anim na kawayang nakatirik na paikot.

 

KAILAN
URI NG PAGLALARAWAN
PATUNAY
Araw ng paglilipat nina Popoy
(Agosto 13)
Tiyak
·      Namumuhi siya sa kanyang hinihintay na trak na hahakot sa kanilang mga kasangkapang pambahay.
·      Nailulan nang lahat sa trak ang mga kasangkapang pambahay nina Popoy.
·      Ngayon ay ikalabintatlo ng Agosto, ang gulang niya ay labingtatlo, at labintatlong lagutok.





PAUNAWA: Ito ay isang maikling pagsusuri lamang ng akdang May Buhay sa Looban ni Pedro S. Dandan. Ito ay sinuri ni EMPinoy. Ilagay bilang sanggunian ang pahinang ito kung gagamitin sa proyekto, takda, atbp.

Mga Elemento ng Tula | EMPinoy

ELEMENTO NG TULA


1) Sukat - tumutukoy sa bilang ng bawat pantig sa bawat taludtod. Ang karaniwang sukat ng isang tula ay wawaluhin at lalabindalawahin.
2) Tugma - tumutukoy sa pagkakapareho ng huling tunog o titik ng salita sa bawat taludtod. May dalawa itong uri. Ang Ganap, kapag magkakapareho ang tunog at titik ng huling salita sa bawat taludtod. Ang Di-ganap, kapag magkakapareho lamang ng tunog ang huling salita sa bawat taludtod.
3) Mga Tayutay - ito ay sadyang paglayo, sa paggamit ng mga pangkaraniwang salita upang maging kaakit-akit at mabisa ang pagpapahayag. Ang sumusunod ay mga uri ng tayutay:
  • Pagtutulad (Simile)
  • Pagwawangis (Metaphor)
  • Pagmamalabis (Hyperbole)
  • Pagbibigay ng Katauhan (personification)
  • Pagpapalit-saklaw (Synechdoche)
  • Pagtawag (Apostrophe)
  • Pag-uyam (Irony)
4) Larawang-diwa (imagery)- mga salitang binabanggit sa tula na nag-iiwan ng malinaw at tiyak na larawan sa isipan ng mambabasa.
5) Simbolismo (symbol) - salita sa tula na may kahulugan sa mapanuring isipan ng mambabasa.




---------------
SANGGUNIAN: [Baisa, A., Lontoc, C., & del Rosario, M. (2005). Pluma: Wika at Panitikan para sa Mataas na Paaralan III. Quezon City: Phoenix Publishing House]

 PAUNAWA: Kung ilalagay ang nakasulat dito sa pahinang ito sa anumang pangangailangan, siguruhing ilagay ang website o web address na ito dahil dito ito nakuha.

Ano ang Sanaysay | EMPinoy

Sanaysay


Ang sanaysay ay isang maiksing komposisyon na kalimitang naglalaman ng personal na kuru-kuro ng may-akda.

Pormal o Maanyo

Ang sanaysay na pormal o baguhan - sanaysay na tinatawag din na impersonal - kung ito'y maimpormasyon. katulad ng Naghahatid ng mahahalagang kaisipan o kaalaman sa pamamagitan ng makaagham at lohikal na pagsasaayos ng mga materyales tungo sa ikalilinaw ng pinakapiling paksang tinatalakay.Maanyo rin ito kung turingan sapagkat ito'y talagang pinag-aaralan. Maingat na pinili ang pananalita kaya mabigat basahin. Pampanitikan kasi kaya makahulugan, matalinhaga , at matayutay. Mapitagan ang tono dahil bukod sa ikatlong panauhan ang pananaw ay obhektibo o di kumikiling sa damdamin ng may-akda. Ang tono nito ay seryoso, paintelektuwal, at walang halong tangang pagbibiro.

Impormal o Di-pormal

Ang sanaysay na impormal o di-pormal ay mapang-lungkot, nagbibigay-lugod sa pamamagitan ng pagtatalakay sa mga paksang karaniwan, pang araw-araw at personal o isyung maaaring magpakilala ng personalidad ng manunulat o pakikisangkot niya sa mga mambabasa. Idinidiin nito dito ang mga bagay-bagay ,mga karanasan ,at mga isyung bukod sa kababakasan ng personalidad ng may-akda ay maaaring empatihayan o kasangkutan ng mambabasang medya. Ang pananalita ay parang pinaguusapan lamang, parang usapan lamang ng magkakaibigan ang may-akda, ang tagapagsalita at mga mambabasa at ang tagapakinig , kaya magaan at madaling maintindihan. Palakaibigan ang tono nito kaya pamilyar ang tono dahil ang paunahing gamit ay unang panauhan. Subhektibo ito sapagkat pumapanig sa damdamin at paniniwala ng may-akda ang pananaw.

----------------------------------


Marahil hindi namamalayan ng marami sa atin ngayon, pero ang sanaysay ang pinaka nagagamit nating uri ng panitikan, lalo na dahil marami na ngayong mga instrumento dahil sa internet upang ipamalas natin ang ating kakayahan sa pagsulat. Pero ano nga ba ang pormal na depinisyon ng sanaysay? 

Ang sanaysay, o essay sa Inggles ay isang uri ng panitikan na kalimitang naglalaman ng hinuha ng may akda tungkol sa iba't ibang bagay. May dalawang uri ng sanaysay, ang pormal at impormal. Karamihan ng manunulat ngayon na may kani-kaniyang blog ang nakakagawa ng impormal na sanaysay. Subalit hindi dapat isipin na lahat ng akda ay maituturing na isang impormal na sanaysay. May mga natatanging elemento parin na dapat isaalang-alang bago masabing ang isang akda ay sanaysay, pormal man o impormal.  

Ang pormal na sanaysay ay tinatawag ding maanyo sa kadahilanang ito ay hindi lamang tumutukoy sa kahit anong paksa lamang. Ang pormal na sanaysay ay dapat pinag-aralan ang pinag-ukulan ng matinding pagsasaliksik upang mabigyang linaw ang paksang nais talakayan ng may akda. Isang halimbawa ng mga maanyong sanaysay ay ang pinapagawa sa iba't ibang paaralan tuwing may isinasagawang patimpalak sa pagsulat ng sanaysay. Kadalasan, may isang partikular na tema kung saan lamang dapat iikot ang nilalaman ng sanaysay na isusulat ng mga kalahok. Isang halimbawa ng tema na maaaring ipatalakay sa isang pormal na sanaysay ay ang nalalapit na pambansang eleksiyon sa 2010.  

Isa pang katangian ng pormal o maanyong sanaysay ay ang pagiging kumprehensibo nito. Hindi lang dapat puro personal na opinyon ang nilalaman ng isang pormal na sanaysay, kundi nakabatay sa isang malawakang hagap. Kung hindi man, kahit papaano'y dapat may pinagbabasehan ang bawat kurokuro na ipinapabatid sa sanaysay. Isa pa, mas mahigpit ang pamantayan ng paggamit ng mga salita sa pormal na sanaysay.  

Sa kabilang banda, ang impormal o di pormal naman na uri ng sanaysay ay maituturing na mas malaya kung ang pag-uusapan ay ang mga paksang maaaring talakayin at ang mga salitang maaaring gamitin. Kung ang natatanging layunin ng pormal na sanaysay ay magbigay linaw sa isang itinakdang paksa, ang layunin naman ng impormal na sanaysay ay magbigay-aliw sa mga mambabasa o magbahagi ng sariling opinyon o karanasan tungkol sa isang bagay. Ang mga paksang maaaring gamitin sa uri ng sanaysay na ito ay mas malawak, mula sa mga araw-araw na isyu hanggang sa mga personal na karanasan. Maliban pa sa nasabi, hindi rin kailangang ganon katatas ang pagsulat sa sanaysay.  

Ang isa pang importanteng kaibahan ng dalawang uri ng sanaysay ay ang pananaw ng pagsulat o point of view. Ang pormal na sanaysay ay gumagamit ng obhektibong pananaw samantalang ang impormal na sanaysay ay gumagamit ng subhektibong pananaw


>SANGGUNIAN<


 PAUNAWA: Hindi po si EMPinoy ang sumulat nito. Ito ay nanggaling lamang sa mga sangguniang nakalagay sa ilalim ng post.

Buod ng Kapitan Sino ni Bob Ong | EMPinoy


 Ito ay buod ng nobela ni Bob Ong na "Kapitan Sino". Ito ay ibinuod ni EMPinoy ng per kabanata (ang pagbubuod ay sa bawat kabanata)


(Unang Kabanata)
Kapitan Sino
            Kinulit na naman si Rogelio ng bata. Pilit kasi itong bumibili ng chichiria sa shop ni Rogelio Manglicmot. Hindi na kasi ito tindahan bagkus ay repairing shop na ngunit sumikat ang shop sa karatulang Hasmin’s Eatery. Pag-alis ni Ging-ging, ang pangalang ibinansag ni Rogelio sa batang makulit, tumuloy na si Rogelio sa pagkukumpuni ng mga sirang gamit.

(Ikalawang Kabanata)
            Kumakain ang pamilya Manglicmot kung saan nagkaroon ng kaunting sagutan. Kinahapunan, bumalik si Rogelio sa shop. Dito nagsimulang mapansin ni Bok-bok, ang matalik na kaibigan ni Rogelio, ang kapangyarihan ni Rogelio. Nag-brownout sa kanilang lugar ngunit ang bumbilya sa ulunan ni Rogelio ay nakasindi pa rin.

(Ikatlong Kabanata)
            May isang lalaki ang nakikinig sa isang recording ng isang duktor na nagpapaliwanag tungkol sa isang kakaibang sakit. Ang duktor sa recording ay si Dr. Chua na sumakabilang-buhay na.

(Ikaapat Kabanata)
            Sa shop, si Bok-bok ay pilit kinukulit si Rogelio ukol sa sinasabing kapangyarihan nito. Sa panig naman ni Rogelio, ayaw niyang tanggapin ang sinasabing kapangyarihan. Sa dulo ay nakumbinsi ni Bok-bok si Rogelio na gamitin ang kapangyarihan niya sa kabutihan. At bigla namang may sumigaw sa labas, humihingi ng tulong.

(Ikalimang Kabanata)
            Ang kumpol ng tao ay nasa shop ni Rogelio at sabay-sabay na nanonood ng Newswatch sa Channel 13 sa Magnavox TV na ipinapagawa kay Rogelio. Kasalukuyan ibinabalita ang ginawang palpak na kabayanihan ng isang ninja. Isinabit niya kasi ng ninja suspek sa isang mataas na lugar. Kaya naman tinawag itong palpak pagkat isang pakwan lang pala ang ninakaw nito at ayos lang naman daw sa may-ari.
Pagkasara ng TV ni Rogelio, nagkuwentuhan ang dalawang magklaibigan. Tinawanan ni Bok-bok si Rogelio sa kanyang ginawa. Nabansagan pa siya ng kaibigan na Ninjang Hubad at Super Yagit dahil wala pa itong pangalan.

(Ikaanim na Kabanata)
            Mainit ang ulo ni Aling Baby habang kasama ang kanyang mga anak papauwi sa kanilang bahay nang makita sila ng isang pamilyar na lalaki sa isang van. Inalok ng drayber ng van na sumabay na sila. Pumayag naman sila Aling Baby. Ikinuwento ni Aling Baby ang tungkol sa kanyang asawang nasa ibang bansa.
            Nang makababa na sila Aling Baby, nakasalubong ng drayber si Mercy. Ang drayber pala ay si Mayor ... o mas gustong tawaging Omeng na lang.

(Ikapitong Kabanata)
            Sa shop, ipinakita ni Bok-bok kay Rogelio ang isang patalastas sa pahayagan. Ang Khumbmela daw ay tinawagan ni Bok-bok upang magtanong ng pagpapagawa ng costume ni Rogelio. Tulad ng inaasahan ni Bok-bok, hindi nagustuhan ni Rogelio ang presyo ng costume kaya nagdala rin ito ng mga ready-made na damit.
            Naroon din si Tessa, bulag na matalik din nilang kaibigan, na siyang nagtahi at nag-ipon ng mga costume na nasa kahon na pagpipilian ni Bok-bok.

(Ikawalong Kabanata)
            Si Aling Precious at kumpol ng kanyang mga anak ay nasa isang hanay ng upuan sa kalsada ng Pelaez. Doon ay nakipagkuwentuhan si Aling Precious sa naka bisikletang si Mang Berto.

(Ikasiyam na Kabanata)
            Ang tatlo ay nasa shop na naman upang kumpletuhin ang costume ni Rogelio. Binigyan siya ng isang kulay pilak na helmet. Ayos naman daw sa pakiramdam asabi ni Rogelio.
            Sa kanilang pagkukulitan ay may narinig si Rogelio na nagsasabing “Holdap!”. Kaya tumungo ito kaagad sa Bangko Suico. Palpak na naman si Rogelio dahil isa pala itong shooting ng pelikula.

(Ikasampung Kabanata)
            Oras na para tumulong sa kapwa si Rogelio. Una niyang hinuli ay isang carnapper at sumunod ay isang kidnapper. May lalake ring nagpaabot ng pusa niyang naipit sa puno. Kumalaban din siya ng mga halimaw kung saan siya ay nagtagumpay. Isa pang pagsubok ay nang mawalan ng control ang isang tren ng PNR. Mabuti at naroon si Rogelio para sumaklolo. Sa pagtulong niyang iyon ay kinilala siya bilang Kapitan Sino.

(Ikalabing-isang Kabanata)
            Sa isang kumpol ay nagtsitsimisan na naman ang mga tao ng Pelaez tungkol sa kumakalat na halimaw.

(Ikalabing-dalawang Kabanata)
            Nangulit na naman si Bok-bok sa shop habang seryosong nagkukumpuni ng sirang vaccum cleaner si Rogelio at siya naman ay nagtitiris ng garapata ni ET, ang aso ni Rogelio. Doon ay nag-isip sila ng maaaring pangalan ni Rogelio. Naisip ni Bok-bok na Mighty Man ngunit hindi nagustuhan ni Rogelio. May sarili naman itong panukala ... Super Strength daw na agad namang tinawanan ni Bok-bok. Habang humahalakhak si Bok-bok ay nakita naman ni Rogelio ang mga bata sa labas na naglalaro. Ang pangalang Kapitan Sino ang kanyang naririnig. Lumingon-lingon pa sila at puro Kapitan Sino ang kanilang nakikita. Mula sa t-shirt, poster, sticker at headline ng tabloid.

(Ikalabing-tatlong Kabanata)
            Si Tessa at Rogelio ay nakakita ng lugar na pwedeng makapagkuwentuhan. Isang gabi sa itaas ng Sto. Domingo church habang nakatanaw sa bayan ng Pelaez.
            Doon ay nagkuwentuhan, nagkulitan at nagkatapatan ang dalawa at nakaramdam ng kanilang pagmamahalan.

(Ikalabing-tatlong Kabanata)
            Kumakalat na sa Pelaez ang balitang may isang halimaw daw na kumakalat at dumudukot ng mga biktima. Isang gabi, nang patulog na si Rogelio ay may narinig itong tinig. Lumabas ito at napadpad sa isang madilim na lugar. Doon ay nakaharap niya ang sinasabing halimaw ng Pelaez. Sa loob ng lumang ospital ay nagbanatan at naglaban ang bayani at ang halimaw. Nang manghina ang halimaw ay lumabas si Mayor Suico. Ang halimaw pala ay ang anak niyang si Michael na may kakaibang katauhan. Kailangan daw ni Michael ng dugo. Maya-maya’y bumulwak na ang dugo mula sa tagiliran ni Michael dahil nagsgas mula sa kinakalawang na tubo ng lababo.
            Matapos ang laban, naalala ni Rogelio ang biktima. Nakita niyang ito pala’y si Tessa. Ngunit balewala ang pagligtas niya dito dahil wala nang buhay si Tessa.

(Ikalabing-apat na Kabanata)
            Sa dati pa ring tambayan makikita sina Mang Berto, Mang Boy, Aling Precious at mga anak nito, Aling Chummy at si Anghelang manicurista.
            Sa umpukan ay walang ibang ginawa kundi magtsismisan tungkol sa nangyaring kababalaghan kagabi. Wala ring katapusan sa kwentuhan tungkol kay Kapitan Sino.

(Ikalabing-limang Kabanata)
            Natapos na naman ang isang araw na puno ng aksyon para sa ating bayani. Sa kanyang oras ng pagpapahinga sa bahay ay may gumambala. Ang kanyang amang si Mang Ernesto. Sa oras na napanghihinaan ng loob si Rogelio, nariyan naman ang kanyang amang magpapalakas ng kanyang katatagan. Nag-usap ang mag-ama at napaiyak naman si Aling Hasmin.

(Ikalabing-anim na Kabanata)
            Dumating ang araw kung saan naisipan ng mga taga-Pelaez, sa pangunguna ng bise mayor na si Virgilio Samonte. Malaki ang piging na naihanda. May mga artista pang kinuha ang bise mayor. Sa araw na iyon ay itinakdang bigyan ng P30,000 si Kapitan Sino bilang pasasalmat. Ngunit, maraming naghangad dito kaya suot-suot ang costume ni Kapitan Sino ay nagsulputan ang mga pekeng Kapitan Sino.
            Nang magkagulo na ang madla, isang lalaki ang naghagis ng granada. Tumakbo ang lahat. Pagkaalis ng usok ay nakita ni Aling Precious na dinaganan pala ni Rogelio ang granda – patunay na siya ang tunay na Kapitan Sino.
            Sugatan ay sinampal ito ni Aling Chummy. Kinausap ni Bok-bok ang humahagulgol na si Aling Chummy kung bakit. Wala raw ginawa si Kapitan Sino noong mamatay ang asawa niya sa lung cancer. Wala nang nagawa ang mga taga-Pelaez kundi hulihin at ikulong si Rogelio at si Bok-bok (kasabwat daw).

(Ikalabing-pitong Kabanata)
            Sa loob ng presinto ay walang magawa ang magkaibigan kundi magpustahan na lang tungkol sa kanilang mga paboritong cartoons. Nagalit man ang pulis na nagbabantay ay tuloy pa rin ang dalawa.
            Maya-maya ay may narinig silang balita sa transistor na nakabukas. Sinasabi sa radio ang isang sakit na kumakalat na rin sa bansa.
            Ilang saglit ay tumayo at lumabas ang pulis nang makita ang mga taga-Pelaez na nagkakagulo sa labas.

(Ikalabing-walong Kabanata)
            Matapos ang kaguluhan at pagkabalita tungkol sa salot na kumakalat, nagkakagulo naman ngayon ang mga taga-Pelaez upang bumili ng mga pagkain. Kalat na ang tungkol sa sakit kaya hanggang simbahan ay sinasabi na ng pari na magugunaw na raw ang mundo.
            May nabalitaan sila na isang 42-anyos na lalaki raw ay namatay sa Palawan dahil sa hypovolemic shock. Kumlat ito sa mga tabloid na agad ikinatakot ng lahat.

(Ikalabing-siyam na Kabanata)
            Makalipas ang ilang araw ay nakarating na ang mga duktor ng CDC sa Pelaez. Nakapila ang lahat upang matignan ang mga dugo.
            Ilang oras pa ay mayroon na raw lunas ang kanilang sakit. Nakita ito ng isang Italyanong doktor sa dugo ni Rogelio. Kaya naman, kinuhanan nila ng dugo ang maysakit na si Rogelio. Ang nakuhang dugo sa kanya ay lampas sa tamang dugo lang na maaaring kunin.
            Hilonh-hilo si Rogelio na naglakad. May nakasalubong itong lalaking may hawak na bata. Tinanong siya nito kung nakakagamot ang dugo niya. Oo raw. Kaya sinaksak niya si Rogelio at isinawsaw ang kamay sa dugo ni Rogelio at ipinahid sa anak.

(Ikalabing-dalawampung Kabanata)
            Makalipas ang maikling panahon ay nawala na ang sinasabing kalunos-lunos na sakit sa bayan ng Pelaez. Kaya naman, ang bise mayor ay muling nagpaayos ng entablado para sa pagpapasalamat sa naging buhay ni Rogelio. Sa kanyang talumpati ay ibinahagi niya ang tulong na kanyang ginawa para sa pamilya ni Rogelio.
            Sa gitna ng talumpati ay umakyat sa entablado si Bok-bok at sinapak ang bise mayor. Huhulihin sana siya ngunit pinigilan ng mayor.
            Pagkababa ay lumapit si Ging-ging kay Bok-bok. Tinanong kung mag-aayos rin daw ba siya ng sira tulad ni Rogelio. Ang sagot naman ni Bok-bok ay... kung ano ang makakaya ko.

 PAUNAWA: Ito po ay buod na isinulat ni EMPinoy. Hindi po pinapayagan ang pag re-re-post nito. Kung ire-repost ay humingi ng permiso sa awtor.
Kung may nakitang kamalian sa nakasulat sa itaas ay ipagbigay alam sa pamamagitan ng paglalagay nito sa komento.

Sertipikadong Astig! | Gawang Orihinal ni EMPinoy!

Wednesday, March 14, 2012

Paglalayag sa Puso ng Isang Bata ni Genoveva Edroza-Matute | EMPinoy

Paglalayag sa Puso ng Isang Bata
ni Genoveva Edroza-Matute

Binata na siya marahil ngayon. O baka ama na ng isang mag-anak. Ito ay kung nakaligtas siya sa nakaraang digmaan… nguni't ayaw kong isiping baka hindi. Sa akin, siya'y hindi magiging isang binatang di-kilala, isang ama, o isang alaala kaya ng Bataan. Sa akin, siya'y mananatiling isang batang lalaking may-kaliitan, may kaitiman, at may walong taong gulang.

Pagkaraan ng daan-daaang tinuruan, mga sumipot, nanatiling saglit, at lumisan pagkatapos, pagkaraan ng mga taong ang ila'y nagdumali, ang ila'y nagmabagal at ang ila'y nakintal sa gunita, buhay na buhay pa sa aking isipan ang kanyang mukha at ang kanyang pangalan. Nguni't ang buhay sa lahat ay ang isang bagay na itinuro niya sa akin isang araw nang siya ang aking maging guro at ako ang kanyang tinuturuan.

Isa siya sa pinakamaliit sa klase. At isa rin siya sa pinakapangit. Ang bilog at pipis niyang ilong ay lubhang kapansin-pansin at tignan lamang iyo'y mahahabag na sa kanya ang tumitingin. Kahit ang paraan niya ng pagsasalita ay laban din sa kanya. Mayroon siyang kakatuwang "punto" na nagpapakilalalng siya'y taga ibang pook.

Ngunit may isang bagay na kaibig-ibig sa munti't pangit na batang ito, kahit sa simula pa lamang. Nagpapaiwan siya tuwing hapon kahit na hindi siya hilingan ng gayon. Tumutulong siya sa mga tagalinis at siya ang pinakamasipag sa lahat. Siya rin ang pinakahuling umaalis: naglilibot muna sa buong silid upang pulutin ang mga naiiwang panlinis. Lihim ko siyang pinagmamasdan habang inaayos niya ang mga ito sa lalagyan, ipinipinid, at pagkatapos ay magtutungo sa likod ng bawat hanay ng upuan upang tingnan kung tuwid ang bawat isa. At sa pintuan, lagi siyang lumilingon sa pagsasabi ng "Goodbye, Teacher!"

Sa Simula, pinagtakhan ko ang kanyang pagiging mahihiyain. Nakikita ko siyang gumagawa nang tahimik at nag-iisa - umiiwas sa iba. Maminsan-minsa'y nahuhuli ko siyang sumusulyap sa akin upang bawiin lamang ang kanyang paningin. Haba ko siyang tinatanaw tuwing hapon, pinakahuli sa kanyang mga kasamahan, ay naiisip kong alam na alam niya ang kanyang kapangitan, ang katutuwang paraan ng kanyang pagsasalita.

Unti-unti kong napagdugtong-dugtong ang mga katotohanna tungkol sa kanyang buhay. Payak ang mga katotohanan: siya'y isang munting ulilang galing sa lalawigan, lumuwas sa malaking lungsod bilang utusan. At kalahating araw siyang pumapasok sa paaralan upang may makasama sa pagpasok at pag-uwi ang ank ng kanyang panginoon.

Nadama ko ang kakaibang kalungkutan: Nais kong makita siyang nakikipaghabulan sa mga kapwa-bata, umaakyat sa mga pook na ipinagbabawal, napapasuot sa kaguluhang bahagi ng buhay ng bawat bata. Kahit na hindi siya marunong, maging kanya lamang sana ang halakhak at kaligayahan ng buhay-bata.

Tinawag ko siya nang madalas sa klase. Pinagawa ko siya ng marami't mumunting bagay para sa akin. Pinakuha ko sa kanya ang mga tsinelas ko sa pinakahuling upuan sa silid. Naging ugali niya ang pagkuha sa mga iyon, ang paghihiwalay sa mga iyon upang itapat sa aking paa. Ang pagbili ng aking minindal sa katapat na tindahan, hanggang sa hindi ko na kailangang sabihin sa kanya kung ano ang bibilhin - alam na niya kung alin ang ibig ko, kung alin ang hindi ko totoong ibig.

Isang tahimik na pakikipagkaibigan ang nag-ugnay sa munti't pangit na batang ito at sa akin. Sa tuwi akong mangangailangan ng ano man, naroon na siya agad. Sa tuwing may mga bagay na gagawin, naroon na siya upang gumawa. At unti-unti kong nadamang siya'y lumiligaya - sa paggawa ng maliliit na bagay para sa akin, sa pagkaalam na may pagmamalasakit ako sa kanya at may pagtingin sa kanya. Nahuhuli ko na siyang nagpapadulas sa pagitan ng mga hanay ng upuan hanggang sa magkanghihiga sa likuran ng silid. Nakikita ko na siyang nakikipaghabulan, umaakyat sa mga pook na ipinagbabawal. Nagkakandirit hanggang sa tindahang bilihan ng aking minindal. At minsan o makalawa ko siyang nahuling nagpapalipat-lipat sa pagtapak sa mga upuan.

At kung ang lahat ay wala na, kinakausap ko siya at sumasagot siya nang pagaril sa Tagalog. At sa mga ganoong pagkakatao'y nagmumukha siyang maligaya at ang kanyang, "Goodbye, Teacher," sa may-pintuan ay tumataginting. Sa mga ganoong pagkakatao'y naiiwan sa akin ang katiyakang siya'y hindi na totoong napag-iisa at hindi na totoong nalulumbay.

Isang mabagal na paraan ang pag-akit na iyon sa kanya at ang pagtiyak na siya'y mahalaga at sa kanya'y may nagmamahal.

Napasuot na siya sa mga kaguluhang bahagi ng buhay ng bawa't bata. Nanukso na siya sa mga batang babae. Lalo siyang naging malapit sa akin. Lalo siyang naging maalala at mapagmahal. Maligaya na siya.

Isang araw, nangyari ang hindi inaasahan. Sa paglingon ko sa mga taong nagdaa'y naamin ko sa sariling ang lahat ng iyo'y aking kasalanan. Mainit noon ang aking ulo, umagang-umaga pa. At ang hindi ko dapat gawin ay aking gingawa - napatangay ako sa bugso ng damdamin. Hindi ko na magunita ngayon kung ano ang ginawa ng batang iyon na aking ikinagalit. Ang nagugunita ko lamang ngayon ay ang matindi kong galit sa kanya, ang pagsasalita ko sa kanyang ipinanaliit niya sa kanyang upuan. Nalimutan ko ang kanyang pag-iisa, ang kanyang kalumbayan, ang mabagal na paraan ng pag-akit at pagtiyak sa kanyang siya'y mahalaga at minamahal.

Nang hapong iyo'y hindi siya nagpadulas sa pagitan ng mga hanay ng upuan. Ngunit siya'y nagtungo sa huling upuan upang kunin ang aking tsinelas, upang paghiwalayin ang mga iyon at itapat sa aking mga paa. Nagtungo siya sa tindahang katapat upang bilhin ang aking minidal at nagpaiwan siya upang likumin ang mga kagamitan sa paglilinis at upang ayusin ang mga iyon sa lalagyan sa sulok. Pinagpantay-pantay rin niya ang mga upuan sa bawat hanay, gaya ng kanyang kinamihasnan. Ngunit hindi siya tumingin sa akin minsan man lamang nang hapong iyon.

Naisip ko: napopoot siya sa akin. Sa munti niyang puso'y kinapopootan niya ako ng pagkapoot na kasintibay ng pagmamahal na iniukol niya sa akin nitong mga huling buwan. Ang isa mang batang namulat sa pag-iisa at sa kalumbayan ng pag-iisat kawalan ng pagmamahal ay makaaalam din sa kawalan ng katarungan. Ngayo'y paalis na siya, ang naisip ko, nang may kapaitan sa puso.

Tumagal siya sa pagpapantay sa mga upuan. Na tila may binubuong kapasiyahan sa kanyang loob.

Nagtungo siya sa pintuan at ang kanyang mga yabag ay mabibigat na tila sa isang matandang pagod. Sa loob ng maraming buwan, ngayon lamang siya hindi lumingon upang magsabi ng, "Goodbye, Teacher." Lumabas siya nang tahimik at ang kanyang mabibigat na yabag ay lumayo nang lumayo.

Ano ang ginawa kong ito? Ano ang ginawa kong ito? Ito ang itinanong ko nang paulit-ulit sa aking sarili. Napopoot siya sa akin. At ito'y sinabi ko rin nang paulit-ulit sa aking sarili.

Bukas…. Marahil, kung pagpipilitan ko bukas…

Biglang-bigla, ang maitim at pipis na mukha ng bata'y nakita ko sa pintuan. Ang mga mata niyang nakipagsalubungan sa aki'y may nagugulumihanang tingin. "Goodbye, Teacher," ang sabi niya. Pagkatapos ay umalis na siya.

Nagbalik siya upang sabihin iyon sa akin.

Kung gaano katagal ako noon sa pagkakaupo, ay hindi ko na magunita ngayon. Ang tangi kong nagugunita'y ang pagpapakumbaba ko sa kalakhan ng puso ng munting batang yaon, sa nakatitinag na kariktan ng kanyang kaluluwa. Nang sandaling yaon, siya ang aking naging guro.

Saturday, February 25, 2012

1 John 1:9 Inspirational Wallpaper

Narito ang isang inspirational wallpaper. Orihinal na gawa ni EMPinoy. Wala itong watermark. Wag na lang natin angkinin. Pwede i-repost, kung mayroong may gusto.

1 John 1:9
1 John 1:9
(Click image to enlarge)

Spongebob and Patrick Ready for Battle

A Photoshopped photo of Spongebob and Patrick ... badass style.
(Pino-thoshop na litrato ni Spongebob at Patrick ... astig na bersyon)
(Click image to enlarge)

Spongebob and Patrick - Badass


Juan, nasaan na ang Po at Opo? | EMPinoy

Juan, Nasaan na ang Po at Opo?
ni: EMPinoy

        Magalang daw ang mga Pilipino. Ang masasabi ko, totoo ‘yan ... noon. Nasaan na nga ba ang paggalang natin ngayon?
        Po at Opo ang dalawa sa ipinagmamalaki natin sa ibang mundo ‘pagkat tayo lamang ang gumagamit ng salitang ito bilang paggalang sa mga nakatatanda.
Paggalang sa nakatatanda
       Opo ay ang salitang mas magalang sa salitang ‘oo’. Po naman ay nagagamit din bilang paggalang. Ito ang mga salitang kinalakhan natin. Mas tama yatang sabihing ang kinalakhan naming mga ka-henerasyon ko. Hindi ko na yata kasi nakikita o naririnig ang paggamit ng makabagong henerasyong bata ng salitang po at opo. Naiinis ako ... ‘yan ang pakiramdam ko. Iniisip ko’y wala silang modo at hindi naturuan ng kanilang mga magulang. Nagpapasalamat nga ako’t naturuan ako ng aking magulang ukol sa salitang ito.
        Para sa isang bansang kilala sa pagiging magalang, bagong henerasyon, sisirain ba natin ang titulong ito? Kumilos tayo at ibalik natin ang paggalang na karapat-dapat para sa mga nakatatanda.

Sertipikadong Astig! | Gawang Orihinal ni EMPinoy!

Friday, February 24, 2012

Walang kabuhay-buhay (Zombies) | EMPinoy

Walang Kabuhay-buhay
ni: EMPinoy

        Nakakatakot, nakakapanghilakbot, patay na ngunit lumalakad, padami sila ng padami. Saan ka kaya tatakbo kung nasakop na nila ang lugar na kinalulugaran mo?
        Mula ng bata pa lang ako ay hindi ko na mapigilang matakot sa mga zombie movies. Hindi ako takot sa mga bampira, multo o manananggal, dito lang talaga. Kapag naiisip kong marami nang zombies, saan kaya ako tatakbo? Makakaligtas kaya ako? Yun ang sa tingin ko’y hindi ko pa masasagot.
Zombies
         Ano nga ba ang mga ‘zombies’? Ang zombie ay mga bangkay na nabuhay sa pamamagitan ng hindi maipaliwanag na kapangyarihan. Maaaring witchcraft o sorcery at maaari rin daw na hypnosis.
        Mas sumikat naman ang mga zombies dahil sa mga pelikula. Partikular  ang pelikulang gawa ng tinuturing na ‘Ama ng Zombie Horror Movies’ na si George A. Romero. Ang isa sa pinaka-sikat ay ang Night of The Living Dead.
      Ukol naman sa ‘ika nga eh ‘pagpatay’ sa mga ito, kailangan daw puntiryahin ang ulo. Narito kasi ang utak ng zombie. Marami ring uri nito. May mabibilis, may mababagal at may mahilig kumain ng tao.
        Ang isa sa pinaka-kinakatakutan natin ay ang December 21, 2012. Ito ang sinasabing paggunaw ng mundo. Isa raw sa posibleng paraan kung paano magugunaw ang mundo ay ang ‘Zombie Apocalypse’ kung saan masasakop tayo ng mga zombie.
        Ayon sa National Geographic Channel (NatGeo), hindi raw imposible ang mga ganito. Maaaring mag-evolve ang isang virus mula sa dalawang pinagsamang virus. Parang SARS, mad cow disease o E-bola sabi nga ng NatGeo. Sa hinaharap daw, ang posibleng mangyari ay ma-infect ang utak ng isang tao. At sa pamamagitan ng pagpasa ng laway o rabies ay maaari kang mahawa.
        Ang limang posible pang paraan ng pagkaroon ng zombie apocalypse ay: (1) Brain parasites, (2) neurotoxins, (3) the real rage virus, (4) neurogenesis at (5) nanobots.
        Malawak ang sakop sa usaping ito. Hindi ito madali sa unang tingin ng isang tao. Sa ganitong kakaiba at posibleng phenomena, wala tayong ibang magagawa kundi mag-ingat, maghanda at ang pinakamahalaga ay magdasal. Sa isang malakas ng pwersa ng kasamaan, malakas na pwersa rin ang ating kailangan.

Sertipikadong Astig! | Gawang Orihinal ni EMPinoy!