PAALALA: Ito po ay hindi ko gawa. Ito po ay nakita ko lamang sa website na ito at nais kong ibahagi sa inyo.
(Halaw ito sa isang E-mail na aking natanggap.)
Sa Philippine General Hospital (PGH), may tinatawag na Central Block. Nandoon ang Radiology Department kung saan ginagawa ang x-ray, ultrasound, CT scan at radiotherapy. Dito ko naobserbahan ang ebolusyon ng mga Pinoy medical terms.
May mga pasyente akong nasasalubong at nagtatanong ng direksyon. Ganito ang kanilang mga bersyon ng CT scan.
1. Dok, saan po ba ang siete scan?
2. Dok, saan po ba magpapa-CT skull?
3. Dok, saan po ba ang CT scalp?
4. Dok, saan po ang CT scam?
Madalas din akong mapagtanungan ng direksyon papunta sa Cobalt Room. Madalas nilang sabi’y, Dok, saan po ang Cobal? Oo, walang T. Marami talagang gumagamit ng term na Cobal. Saan napunta ang T? Marami ring nagtatanong, Dok, saan po ba magpapa-X-tray? Kongklusyon, ang T ng Cobal ay napunta sa X-tray!
Minsan isang umaga, nagbigay ng instruction ang kasamahan kong doktor sa bantay ng pasyente. Mister, punta po kayo sa Central Block at magpa-schedule kayo ng x-ray ng pasyente ninyo. Hapon na nang dumating ang bantay. Nagalit ang doktor. Ang katwiran ng bantay ay ito: E, kasi po dok, ang tagal kong naghintay sa gate hanggang sabihin ng gwardya na sarado raw po ang Central Bank kasi Sabado ngayon. Nasa Roxas Boulevard ang Bangko Sentral ng Pilipinas at sarado nga naman ‘yon kapag Sabado!
Nang mag-rotate ako bilang intern sa Pediatrics ng PGH, napansin kong mahal na mahal talaga ng mga nanay ang kanilang mga anak na may sakit. Pilit nilang tinatandaan ang mga gamot at tawag sa sakit ng kanilang mga anak. Kaya hindi ko malimutan ang mga sumusunod na eksena:
Doktor: Misis, ano po ba ang gamot na iniinom ng anak ninyo?
Misis 1: Dok, Pheno Barbie Doll po.
Doktor: Ah, baka po Phenobarbital.
(Gamot sa kombulsyon ang Phenobarbital.)
Doktor: Misis, ano po ba ang antibiotic na iniinom ng anak ninyo?
Misis 2: Dok, Metromanilazole po.
Doktor: Ah, baka Metronidazole.
(Gamot sa amoeba ang Metronidazole.)
Doktor: Misis, tapos na po ang operasyon ng anak n’yo. Punta na po kayo sa PACU.
Misis 3: Eh dok, saan po sa Paco? Sa may simbahan po ba o sa may palengke?
(Ang PACU ay Post-Anaesthesia Care Unit, ang recovery room ng PGH.)
Doktor: Misis, ano po ba ang sinabi ng dating doktor kung ano raw ang sakit ng inyong anak?
Misis 4: Eh dok, sabi po nya Tragedy of Fallot.
Doktor: Ah, baka po Tetralogy of Fallot.
(Isang congenital heart disease ang Tetralogy of Fallot.)
Minsan, biglang nagtataran ang isang nanay at nagsisigaw.
Misis 5: Scissors! Scissors! Nagsi-scissors ang anak ko, dok!
Doktor: Nurse, Diazepam please. Nag-seizure ang pasyente!
Doktor: Misis, ano raw po ba ang sakit ng anak ninyo?
Misis 6: May ketong daw po.
Ineksamin ng doktor ang pasyente. Wala siyang nakitang senyales ng ketong. Tumawag pa siya ng isang dermatologist pero wala talaga silang makitang ketong.
Doktor: Misis, sigurado po ba kayong ketong ang sakit ng bata?
Misis 6: Eh, iyon po ang sabi ng dati niyang doktor. Mataas daw po ang ketong niya sa ihi dahil sa diabetes.
Doktor: Ah, ketone po ‘yon.
(Ang positive ketone sa ihi ay senyales ng kumplikasyon sa diabetes.)
Usapan ng isang doktor at misis na nagle-labor minsan:
Doktor: Misis, pumutok na po ba ang panubigan ninyo?
Misis 7: Eh dok, wala naman po akong narinig na pagsabog.
Hanep, hindi po ba?
Nakakatawa man. Dapit ay bigyan natin o ng pamahalaan ng solusyon ang isa sa pinakamahalagang bagay sa ating buhay -- ang edukasyon.
No comments:
Post a Comment