Bakit Masarap Ang Pagkaing Lako - Tanong ni Juan dela Cruz
TAHOOOOO! BALOOOOOT! Ting-Ting, Ting-Ting O binatog! Puto, kuchinta! Buko! Ito ang ilan sa mga bagay na mahal na mahal natin sa bansang Pinas... mga pagkaing lako. Pero bakit nga ba naging paborito ni Juan dela Cruz ang mga ganitong uri ng pagkain?
Taho Vendor |
Hanggang ngayon ay tanong ito sa aking isipan: Bakit oatuloy na lumalaki at tinatangkilik nating mga Pinoy ang pagkaing nilalako sa mga lansangan? May tatlong salitang aking ibibigay: 3M - Mura, Masarap at Maginhawa.
Sa panahon ngayon ay bibihira o halos wala ka nang makikitang murang bilihin. Ika nga sa joke, "Ang presyo ng sardinas, tumataas. Ang presyo ng gasolina, tumataas ... aba, si Gloria na lang ang hindi!". Kaya kahit sa kabila ng kahirapan ay makakatagpo pa rin tayo ng mga pagkaing makakabusog sa atin sa presyong "sale". Biruin mo, sa pera ni Utoy na limang piso ay may mabibili pa siya. Sa kinupit na sampung piso ni Impeng ay may merienda na siya. At sa tirang baong bente ni Ineng ay pwede na siyang mabusog hanggang kinabukasan. Kaya bilib ako sa mga Pilipinong kahit konti lang ang tubo nila sa paninda ay ayos lang, makapagpakain lang ng kapawa nila. Kaya dahil dyan sa mga nabanggit, hayan ang unang M - Mura.
Fishball Vendor |
"Mura nga, masarap ba?" Marahil ay maitatanong mo yan sa akin kung hindi ka kumakain ng lakong tinda. Pero heto na nga ang tanong: Bakit masarap ang tindang lakong Pilipino? Napaka-simple lang ang sagot, dahil ang mga tindang ito ang kinalakihan na natin. Unconsciously, nasasanay ang ating taste buds sa lasa nitong mga nasabi. Pero hindi yun ang pinakadahilan, ang tunay na dahilan ay dahil ang karamihan ng tindang ito ay produkto mismo ng ating bansa. Ilan sa mga ito ay: Buko, Pakwan, Pinya, Balot, Penoy, Taho, Melon, Kalamay, Ice Buko at iba pa. Ewan ko kung ito nga ang dahilan o baka talagang may hiwaga lang talaga sa bawat subo natin ng nasabing pagkain - M - Masarap.
Heto na ang huling 'M'. Hindi lang mura at masarap ang mga bogtsi na 'to. Ito rin ay maginhawa o konbinyente o convenient. Bakit kamo? Dami mong tanong ah. Hahaha. Dahil ang karamihan nitong mga pagkaing ito ay makikita mo paglabas mo ng bahay, papunta sa palengke, pauwi galing school at kung saan pang lupalop ng bansa. At kadalasan eh 'Moving' stores ito dahil ito nga ay "Inilalako". Kuchinta at biko sa bilao, ice candy sa styro,ice buko sa styro - na may gulong, manggang hilaw, buko, melon, pakwan sa kariton, goto at lugaw sa kariton - na stainless at binatog sa baldeng nasa bisekleta. M - Maginhawa.
Iba't ibang lalagyan, iisang serbisyo. Heto lang ang iiwan ko, mabuhay ka Pilipino!
No comments:
Post a Comment